Mass testing sa buong populasyon, ‘di puwede
MANILA, Philippines — Tinanggihan muli ni National Task Force Against COVID-19 deputy chief implementer at testing czar Vince Dizon ang mga panawagan na magkaroon ng mass testing sa buong populasyon.
Ayon kay Dizon, dapat sundin ng gobyerno ang mga medical journals at mga eksperto sa kalusugan na gumamit ng risk-based at targeted testing strategy sa halip na isailalim sa test ang lahat ng mga mamamayan.
“Wala pong 100% na test for COVID-19. Kahit na PCR po iyan, hindi po iyan 100%. Kaya po kailangan talaga ang pagti-test ay ginagamitan ng iba pang mga factors, ng assessment. Kaya iyong paulit-ulit pong sinasabi ng ating mga eksperto, kailangan ito ay risk-based at targeted,” ani Dizon.
“Kaya mag-ingat po talaga tayo kapag sinasabi natin na ang solusyon sa COVID-19 ay i-test ang lahat ng Pilipino. Napakadelikado po niyan at iyan po ay hindi po talaga nirirekomenda ng mga eksperto,” ani Dizon.
Anya, dapat alam kung anong klaseng test ang dapat gamitin sa iba’t ibang sitwasyon at kailangan na pakinggan ang advice ng mga eksperto na ginagawa na ng national government.
Ipinaliwanag pa ni Dizon na minarapat ng mga eksperto na magdagdag ng antigen test sa NCR Plus kasama ang Pampanga at Batangas upang matulungan ang mga laboratoryo ng Philippine Red Cross dahil tinatamaan din ng COVID-19 ang mga med-tech.
Related video:
- Latest