Bentahan ng pekeng COVID-19 swab test results, nabuking
Sa entrapment ops sa Maynila
MANILA, Philippines — Dalawang lalaki na sangkot sa paggawa ng mga pekeng swab test results ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang nadakip nang kumagat sa entrapment operation ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SmaRT), sa Quiapo, Maynila, iniulat kahapon.
Ayon kay SMaRT chief P/Colonel Rosalino Ibay Jr., ang mga naarestong suspek na sina Mark Paclian, 37, may-asawa; at Bryan Dizon, 19, binata, kapwa walang trabaho at nakatira sa No. 929 Hidalgo Street, Quiapo, Maynila ay isinailalim na sa inquest proceedings sa paglabag sa Article 172 (Falsification by Private Individuals and Use of Falsified Documents) Article 176 (Manufacturing and possession of instruments or implements for falsification) ng Revised Penal Code at R.A. 11332 Section 9 (Non-cooperation of persons and entities that should report and/or respond to notifiable diseases or health events of public concern).
Nabatid na may nagbigay ng tip sa SmaRT hinggil sa bentahan ng pekeng swab tests results at sa pamamagitan ng pag-endorso ni Manila City Health chief, Dr. Arnold Pangan hinggil sa nakalap na mga pekeng medical certificate ay ikinasa ang entrapment laban sa isang alyas “Mark”.
Dakong alas-4:00 ng hapon ng Marso 24 nang maaresto ang mga suspek sa kanilang bahay at narekober ang computer at printer na gamit sa paggawa ng pekeng swab tests result at ilang pirasong fake swab results at cellphone na gamit sa pakikipagtransaksiyon.
Hindi inakala ng mga suspek na ang naging huling katransaksiyon ay operartiba ng SmaRT na pinangunahan ni P/Major Jake Arcilla.
- Latest