Pagtitipon sa Chinese New Year, ban sa Caloocan
MANILA, Philippines — Ipagbabawal sa Caloocan City ang pagdaraos ng pagtitipon at selebrasyon ng nalalapit na Chinese New year upang makaiwas sa hawaan ng COVID-19.
Ayon kay Mayor Oscar “Oca” Malapitan, nag-isyu na siya ng Executive Order na nagbabawal sa anumang mass gathering kabilang na ang tradisyunal na street parties, stage shows, street games gaya ng Dragon dances na karaniwan nang dinaragsa ng publiko sa tuwing gaganapin ang pagdiriwang ng Chinese New Year.
Ang bisperas ng Chinese New Year ay itinakda sa darating na Pebrero 11, araw ng Huwebes habang ang mismong okasyon ay sa Pebrero 12.
Samantala, inihayag pa ng alkalde na maging ang pagtitipon o selebrasyon ng mahigit 10 katao kahit na nasa pribadong lugar ay hindi rin pahihintulutan ng pamahalaang lungsod.
“All commercial establishments, malls, markets, restaurants, cafes, parks, commercial spaces are reminded to strictly enforce minimum health stands, social distancing measures and the maximum percent (50%) dine-in/seating operating capacity mandated,” ayon pa sa kautusan ni Malapitan.
Ang mga tauhan ng Caloocan City Police ay mahigpit na magbabantay upang tiyakin ang kaligtasan ng mga residente ng lungsod.
- Latest