Ancestral lands ng mga katutubong Dumagat sinakop
MANILA, Philippines — Dahil umano sa iligal na pag-okupa sa kanilang ‘ancestral land’ sa Baras, Rizal ay nagsampa ng kaso sa Rizal Prosecutor’s Office ang dalawang nagpakilalang katutubong Dumagat laban sa higit limang indibidwal.
Sinampahan ng kasong graft nina Rolando Vertudez at Leonardo Doroteo sina Masungi Georeserve operators Ben Dumaliang, Lilian Dumaliang, Anne Adeline Dumaliang, Billie Crystal Dumaliang, Sonia G. Oliveros, at ilan pang John Does at Jane Does.
Sa 10-pahinang reklamo na isinampa noong Disyembre 14, 2020, iginiit nina Vertudez at Doroteo na nakatira sila sa kanilang ancestral land mula pa sa kanilang mga ninuno kaya’t kinikilala umano sila na may-ari ng lupain sa ilalim ng Republic Act 8371 o ang Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 (IPRA Law).
Ngunit pinasok umano ng mga opisyal ng Masungi Georeserve ang isang bahagi ng kanilang ancestral domain noong Oktubre 2020 at ikinatwiran ang isang ‘memorandum of agreement (MOA)’ sa pagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa ilalim ng naturang MOA, pamamahalaan ng Masungi Georeserve Foundation ang bahagi ng lupain ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape (UMRBPL).
Iginiit ng mga Dumagat na kinikilala at may sertipikasyon sila buhat sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) para okupahin ang kanilang mga ancestral lands.
Inakusa rin ng mga complainant na hindi nagbabayad ng sapat ang Masungi Georeserve Foundation sa pamahalaan sa paggamit nila ng libu-libong ektaryang lupain sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape (UMRBPL) gayung sumisingil umano ng mula P1,500-P1,800 entrance fee ang pribadong kumpanya sa mga turistang pumapasok dito.
Una nang sinabi noong Disyembre 19, 2020 ni DENR Assistant Secretary for Climate Change and concurrent Biodiversity Management Bureau Director Ricardo Calderon na hindi makapangyayari ang isang MOA sa Expanded National Protected Areas (E-NIPAS) law.
- Latest