Saliva COVID-19 test aarangkada ngayon
MANILA, Philippines — Nakatakda nang gamitin ng Philippine Red Cross (PRC) ang saliva test sa bansa sa pagtukoy ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay dating Health Secretary Dr. Paulyn Ubial, pinuno ng molecular laboratories ng PRC, natapos na nila noong nakaraang linggo ang ekstensiyon ng pilot run ng saliva-based testing method para sa may 1,000 sample at inaprubahan na ng Department of Health (DOH) ang paggamit nito.
Sinabi ni Ubial na available na ang saliva COVID-19 test sa molecular laboratories sa Mandaluyong at Port Area sa Maynila simula ngayong Lunes.
Inaasahan din naman ni Ubial na pagsapit ng Pebrero, lahat ng 13 molecular laboratories ng PRC ay gagamit na rin ng naturang paraan ng pagsusuri.
Ayon naman kay PRC Chairman at CEO, Senator Richard Gordon, na pagsapit ng Pebrero 5 ay dadalhin na rin nila ang saliva test sa mga lalawigan.
Sa ilalim ng saliva test, kinakailangan lamang ng isang tao na dumura sa isang sterile vial kaya’ less invasive ito kumpara sa swab test.
Sinabi ni Gordon na mas mura rin ang saliva test kumpara sa swab test, dahil aabot lamang ito ng hanggang P2,000.
Mas mabilis din umano ang paglalabas ng resulta nito na aabutin lamang ng hanggang tatlong oras kumpara sa swab test na tumatagal ng ilang araw.
Sinabi naman ni Ubial na kailangang isama ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang saliva RT-PCR test sa kanilang COVID-19 package.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ni Gordon ang mga taong nais na mag-avail ng serbisyo ng PRC na magpa-book lamang sa pamamagitan ng book.redcross1158.com.
Aniya, bago sumailalim sa saliva test ang isang indibidwal ay hindi siya maaaring kumain, uminom, magmumog, manigarilyo o gumamit ng vape sa loob ng kalahating oras.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng PRC ang pag-apruba ng DOH sa paggamit ng saliva test sa mga paliparan.
- Latest