Bakuna ng China, Russia ‘di pinagkakatiwalaan
Sa International poll
MANILA, Philippines — Kasabay ng mga pagpuna at pagduda sa Sinovac vaccine na binili ng gobyerno, lumabas sa international poll na maraming tao sa buong mundo ang hindi nagtitiwala sa mga bakuna kontra COVID-19 na gawa ng China at Russia.
Ekslusibong ibinahagi sa Reuters ang isinagawang survey ng YouGov Company, kung saan natukoy rin na ang mga Briton at Danes ang pinakahandang tumanggap ng bakuna laban sa COVID-19 kapag ito ay available na sa kanila, habang ang French at Poles ay mas malamang na mag-alangan pang magpabakuna.
Ang botohan ay batay sa mga katanungang ibinigay sa halos 19,000 katao sa kung anong bakuna ang hindi nila pinagkakatiwalaan.
Nalaman din sa nasabing survey na ang willingness o pagnanais na maturukan ng COVID-19 vaccine ay mas tumataas na sa maraming bansa nitong mga nakalipas na linggo habang ang mga bakunang na-develop ng mga kumpanya sa Estados Unidos, Russia, China, Germany at Britain ay nagsimula nang mai-supply at maiturok sa mga bansa sa Europe, North America at Asia.
Sa Pilipinas, umaani ng puna at pagtatanong ang Duterte administration sa naging hakbang sa pagkuha ng Sinovac na gawa ng China na sinasabing mas mababa ang efficacy pero mas mahal.
Binigyan-diin naman ni Vaccine czar at National Task Force against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. na layunin ng gobyerno na maturukan ng bakuna ang nasa 25 milyong Pilipino laban sa nasabing virus sa loob ng taong ito.
- Latest