Iwasang tumagay ng lambanog ngayong Pasko
DOH, FDA nagpaalala sa mga manginginom…
MANILA, Philippines — Para maiwasan ang pagkalason ngayong selebrasyon ng Pasko ay nagpalabas ng babala ang Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) sa mga manginginom na umiwas sa pagtagay ng lambanog lalo ang mga hindi nakarehistro sa pamahalaan.
Ayon sa DOH, marami nang namatay na Pilipino dahil sa ‘methanol poisoning’ dahil sa hindi ligtas na pagkakagawa ng lambanog.
Kabilang ang lambanog sa produkto na kailangang iparehistro sa FDA para matiyak ang kalidad at kaligtasan nito sa publiko. Ngunit marami ang nagtitinda nito ng basta-basta na nauuwi sa trahedya.
“Huwag bibili ang ating mga kababayan ng mga hindi rehistradong mga produkto ng lambanog. But the more important thing is, ang alcohol dapat iwasan na rin natin dahil wala namang naidudulot po ito na kabutihan,” paalala ni Health Secretary Francisco Duque III.
Nakalista naman sa website ng FDA ang mga brand ng lambanog na ligtas inumin bilang gabay sa mga manginginom.
“Ang ingredients na ginagamit po nila ay talagang hindi magpo-produce ng methanol na nakakalason at nakakamatay. At hindi naman po mahal din itong mga lambanog na registered sa FDA,” paliwanag naman ni FDA Director General Dr. Eric Domingo.
- Latest