VCO epektibo laban sa may sintomas ng COVID-19
MANILA, Philippines — Natagpuang mahusay ang paggamit bilang ‘food supplement’ ang virgin coconut oil (VCO) sa pagpapababa sa mga sintomas ng pasyente na may probable at suspect COVID-19 cases.
Ito ang inihayag at inirerekomenda ngayon ng Department of Science and Technology (DOST) makaraan ang positibong pag-aaral na isinagawa sa VCO ng Food and Nutrition Research Institute.
May 57 probable at suspect COVID-19 patients na naka-quarantine sa isang pagamutan sa Sta. Rosa, Laguna ang isinailalim sa pananaliksik at kalahati sa kanila ay binigyan ng VCO kasabay ng kanilang pagkain sa loob ng 28 araw.
Matapos nito, malaki ang ibinaba ng sintomas sa ikalawang araw ng mga pasyente na binigyan ng VCO at tuluyang wala nang sintomas sa ika-18 araw.
Ang kalahati na itinuring na ‘control group’ naman ay gumanda ang kondisyon sa ikatlong araw at tuluyang nawala ang mga sintomas sa pang-23 araw nila.
Pero, nagpaalala pa rin si DOST Secretary Fortunato Dela Pena na kailangan pa rin ng mas masusing pag-aaral sa VCO para naman sa mga pasyente na may dati nang medical condition bago dapuan ng COVID-19.
“All of the indications suggest that VCO will certainly at least decrease the symptoms of inflammation.’Yung cure n’ya against COVID will require further studies,” ayon naman kay Dr. Fabrian Dayrit, na siyang nagpanukala ng pagsusuri.
Nabatid na ang anti-viral properties ng VCO ay mula sa monolaurin at lauric acid. Ang monolaurin ay matagal nang ginagamit sa mga hayop sa mga farm laban sa bacteria at mga virus upang maiwasan ang peste.
- Latest