16 nasawi kay ‘Rolly’, 300 bahay natabunan ng lahar
MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 16 katao ang naiulat na namatay habang tatlo ang nawawala sa pananalasa ng bagyong Rolly sa Albay at Catanduanes, kamakalawa.
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) sa Bicol, nakilala ang mga namatay na sina Ligaya Olayta, Malou Sanchez Nota, Santiago delos Angeles Jr., 37, at Samuel Cervantes Manrique Jr., 5, pawang taga Guinobatan, Albay; Lenelyn Lodado, 50, Daraga, Albay at Luis Ubalde Jr., 48, ng Gigmoto, Catanduanes. Habang nawawala naman sina Elvie Cervantes Manrique, 50; Michaela Cervantes Manrique,18, ng San Francisco; at Dave Ongaria, ng Travesia sa Guinobatan, Albay.
Nakita naman sa OCD-led aerial survey ang mga winasak na bahay, infrastructure at agriculture ng bagyong Rolly nang unang landfall nito sa bayan ng Bato.
Inamin ni Albay Governor Al Bichara na hindi nila inaasahan ang pagragasa ng lahar sa gitna ng hagupit ng bagyong Rolly noong Lunes na naging dahilan ng pagkamatay ng ilang residente at paglubog ng 300 kabahayan sa lahar.
Inihayag naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na aabot sa mahigit 2 milyong indibiduwal ang naapektuhan ng Super Typhoon Rolly nang manalasa ito sa 12 rehiyon sa bansa.
Nagpapatuloy pa rin ang ginagawang assessment upang matukoy ang pinsala ni Rolly na kung saan ay halos 80 percent ng mga poste ng kuryente ang nasira kaya matatagalang maibalik ang suplay ng elektrisidad sa lugar. - Joy Cantos, Jorge Hallare
- Latest