Maluhong pulis isasailalim sa ‘lifestyle check’
MANILA, Philippines — Isasailalim sa lifestyle check ang mga maluluhong pulis na posibleng sangkot sa korapsyon.
Ito ang naging babala ni Philippine National Police chief, Gen. Camilo Cascolan sa mga maluluhong pulis bilang suporta sa anti-corruption campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Cascolan, sinisimulan na ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang pagtukoy sa mga pulis na may kuwestiyonableng pamumuhay na posibleng sangkot sa katiwalian.
“We will be coming up with lifestyle checks of our personnel para po malaman natin kung sino po, kung ano po ‘yung dapat na maging aksiyon lalong-lalo na ‘yung mga matutukoy namin na mga corrupt that’s why we need to get rid of corruption most especially in the PNP,” wika ni Cascolan.
Paliwanag ni Cascolan, kailangan na ma-justify ang sahod sa pamumuhay ng pulis at partikular na pinatututukan ang mga police unit na nagha-handle ng mga dokumento na kailangan ng publiko tulad ng mga permit.
Bukod sa IMEG, katuwang din ang PNP Internal Affairs Service sa pag-iimbestiga sa mga korap na pulis para malinis ang PNP sa mga bugok na itlog.
Makakatikim ng matinding parusa, kakasuhan at sisibakin sa serbisyo ang pulis na sangkot sa korapsyon.
- Latest