Mag-amang kidnaper todas sa shootout
MANILA, Philippines — Kapwa bumulagta sa kamay ng pulisya ang isang mag-amang kidnaper sa naganap na shootout sa labas ng kanilang bahay sa Teresa, Rizal, kamakalawa ng gabi.
Ang mag-amang nasawi ay nakilalang sina Rodel Basi at kanyang panganay na anak na lalaki na si Romar, kapwa nasa hustong gulang na residente ng Sitio Ibabaw 2, Dulongbayan.
Sa ulat, bago naganap ang shootout alas-8:15 ng gabi sa pagitan ng mag-ama at ng mga tauhan ng Anti-Kidnapping Group (AKG) ng Philippine National Police (PNP) ay nagtungo sa tahanan ng mga suspek upang isilbi sana kay Rodel ang Search Warrant No. 20-3523, na inisyu ni Hon. Cynthia Marino-Ricablanca, Executive Judge ng Sta. Cruz, Laguna Regional Trial Court Fourth Judicial Region, dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.”
Gayunman, habang papalapit ang mga otoridad ay bigla na lang umano silang pinaputukan ng mga suspek kaya’t napilitan silang gumanti ng putok, na nagresulta sa pagkamatay ng mag-ama.
Inaresto rin naman ng mga otoridad ang anak na bunsong lalaki ni Rodel, na kinilalang si Rommel Basi.
Sa rekord ng pulisya, lumilitaw na ang mag-amang napatay ay kilala umanong ‘armed and dangerous’ sa kanilang lugar at mga gun for hire, na sangkot sa serye ng mga murder at homicide cases sa lalawigan ng Rizal, partikular na sa Teresa.
Sangkot din umano ang mag-ama sa serye ng pangingidnap na ang binibiktima ay mga Indian nationals, gayundin sa panghoholdap sa kanilang lugar.
Nakumpiska umano ng mga pulis mula sa mga suspek ang isang shotgun, isang .9mm pistola, at isang kalibre .45 pistola. - Doris Franche
- Latest