1 pang Pinoy nasagip ng Japan Coast Guard
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isa pang tripulanteng Pinoy ang nailigtas ng Japan Coast Guard (JCG) noong Biyernes, dalawang araw matapos lumubog ang Pamanian vessel na Gulf Livestock 1 sa nasabing bansa.
Ayon sa bulletin na inilabas ng DFA, may malay at nakakalakad ang nailigtas na 30-anyos na Pinoy na hindi pa tinukoy ang pagkakakilanlan.
Mag-isang nakasakay sa isang life raft ang tripulante nang maispatan ng JCG, ilang kilometro ang layo mula sa Kodakarajima, isang malayong isla sa southwestern Japan.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo, Phl Consulate General sa Osaka at Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Japan Coast Guard, sa may-ari ng barko at ahensyang kumuha sa serbisyo ng mga Filipino crewmen upang mabigyan ng suporta at tulong ang kani-kanilang pamilya.
Sa ulat, sakay ng naturang barko ang 39 Pilipino, dalawang New Zealander at dalawang Australian nationals nang salubungin nila ang malalaking hampas ng alon sa karagatan.
Nagpadala ng distress call ang barko noong Miyerkules habang dumaraan at humahagupit ang bagyong Maysak sa lugar. Isa ang unang nasagip at nananatiling nawawala ang ibang kasamahang crew.
- Latest