Ex-councilor Parojinog natagpuang patay sa selda
MANILA, Philippines — Natagpuang patay kahapon ng umaga ang dating councilor ng Ozamiz si Ricardo “Ardot” Parojinog, sa loob mismo ng kanyang kulungan, ilang oras lamang bago ito pumunta sa korte para sa mga dinidinig na kaso laban sa kanya.
Si Ardot ay kapatid ng napatay na dating alkalde ng Ozamiz na si Reynaldo Parojinog Sr., na namatay sa isang anti-illegal drugs operation ng pulisya sa kanyang bahay sa Ozamiz City noong 2017.
Bukod kay Parojinog Sr., ay namatay rin ang kanyang asawa, mga kapatid at 11 pang katao matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesman Police Brigadier General Bernard Banac, nakakulong si Ardot sa Ozamiz City Police Station at wala namang senyales ng pananakit sa katawan.
Agad namang iniutos ng bagong upong PNP Chief Police General Camilo Pancratius Cascolan ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Parojinog.
Agad niya ring isinailalim ang hepe ng Ozamiz City Police chief at lahat ng night shift police personnel sa restrictive custody habang iniimbestigahan ang insidente.
Nahaharap sa kasong murder, illegal possession of firearms at illegal possession of explosives si Ardot.
- Latest