Wala pa ring senyales sa 38 Pinoy crew sa lumubog na barko sa Japan
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Japan Coast Guard na wala pa ring nakikitang senyales ng kinaroroonan ng mga nawawalang 38 na Filipino crew sa lumubog na shipping vessel sa karagatan ng Japan.
Patuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operations sa mga crew kung saan apat na eroplano at dalawang divers na ang tumulong sa paghahanap.
Tanging ang isang Pinoy pa lamang ang nailigtas kahapon mula sa mga kasamahan niyang nawawala.
Nagpalabas naman ng pahayag ang UAE-based Gulf Navigation kung saan inangkin nila ang Panamanian-flagged Gulf Livestock 1 na nawawala.
Nitong Miyerkules, nagpadala ng distress call ang barko na may lamang 6,000 baka at lulan ng 43 na crew kabilang ang 39 na Pinoy, mula sa Amami Oshima island sa Japan habang binabayo ang lugar ng bagyong Maysak.
Nailigtas naman ang Pinoy crew na si Sareno Edvarodo, 45-anyos chief officer, ayon sa Coast guard kung saan kinumpirma rin nila ang mga nagsipaglutangang mga baka.
Ang crew ay binubuo ng 43 miyembro kung saan 39 dito ang mula sa Pinoy, dalawa sa New Zealand, at dalawa sa Australia.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Department of Foreign Affairs (DFA),Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) at ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Osaka sa Korphil Ship Management and Manning Corp na siyang magtitiyak sa kondisyon ng mga Filipino seafarers.
- Latest