2 Pinoy todas sa Abu Dhabi gas explosion
MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nasawi ang dalawang Pilipino workers habang marami ang nasugatan sa naganap na gas explosion sa isang restaurant sa Abu Dhabi noong Martes.
Kinilala ang mga nasawing sina Clark Bacud Gasis, mula Surigao del Sur; at Merriner Goc-ong Bertoces, mula Negros Oriental.
Sa ulat mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Abu Dhabi, kabuuang 10 Filipino kabilang ang dalawang bata na natukoy sa aksidente na nagdulot ng gas leak sa loob ng Kentucky Fried Chicken (KFC) restaurant sa kahabaan ng Airport Road noong August 31 ng alas-10:00 ng umaga.
Sa nasabing pagsabog, agad na nasawi si Gasis, 39, electrical draughtsman; at Bertoces, 26, KFC—Abu Dhabi employee.
Walo rin ang nasugatan sa nasabing pagsabog kung saan anim rito ang agad na dinala sa Sheik Khalifa Medical Center (SKMC) para malapatan ng lunas.
Habang ang dalawang nabanggit na batang Filipino na nasugatan ay dalawang buwan at tatlong buwang gulang lamang.
Ayon pa sa ulat ng POLO, kabuuang 28 katao kabilang ang iba pang nasyonalidad ang nasaktan sa nasabing pagsabog.
Tiniyak naman ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello na ang pamilya ng nasawi na sina Gasis at Goc-ong Bertoces ay makakatanggap ng P120,000 bereavement assistance mula sa gobyerno.
Ayon pa sa kalihim, handa na ang OWWA na magbigay ng karagdagang tulong na pinapayagan ng batas sa mga pamilya ng mga biktima..
- Latest