Duterte hinalikan ang pinangyarihan ng Jolo blast
MANILA, Philippines — Personal na binisita ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang “ground zero” sa Jolo, Sulu para damayan ang mga naging biktima ng kambal na pagsabog na nagresulta ng pagkamatay ng 15 katao at pagkasugat ng 75 iba pa noong nakaraang linggo.
Makikita sa larawan na ibinahagi ni Senador Bong Go si Pangulong Duterte na nakasuot ng face mask at hinalikan ang semento kung saan nangyari ang nasabing insidente.
Nag-alay din ang Pangulo ng mga bulaklak sa site kung saan nangyari ang twin blasts noong Agosto 24.
Ayon kay Lieutenant Colonel Rolando Mateo, tagapagsalita ng Joint Task Force Sulu, matapos ang ilang minuto ay dumiretso si Duterte sa Camp Gen. Teodulo Bautista sa Barangay Bus-bus, Jolo, kung saan nagbigay ito ng mensahe sa mga sundalo.
Matapos naman ang inspirational talk nito ay pinuntahan ng pangulo ang Kuta Heneral Bautista hospital ay nagsabit ng medalya sa mga sugatang sundalo na nakaligtas sa madugong pagsabog.
“That’s why when I visited the blast and thank you for sharing with me the gesture lumuhod ako, hinalikan ko ‘yung at least semento to where my soldiers and the countless and the num at saka ‘yung mga Tausug na walang ka their lives snuffed out for no reason at all,” ani Duterte sa kanyang talumpati.
Nagbigay rin ito ng medalya sa pamilya ng tatlong sundalong Tausug na nasawi sa pagsabog kabilang na ang isang police commando.
Sinabi naman ni Mateo na walang partikular na direktiba ang pangulo kung saan nagpasalamat lang ito sa mga sundalong nagsakripisyo ng kanilang buhay.
Wala rin umanong nabanggit si Duterte na kahit anung may kaugnayan sa pagdedeklara ng martial law sa Sulu, na una nang inirekomenda ng PNP at AFP.
- Latest