‘Lagundi’ aprub na ng FDA sa clinical trials vs COVID-19
MANILA, Philippines — Sinimulan nang gamitin ang “Lagundi” sa clinical trials para sa mga pasyenteng may COVID-19 matapos itong aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) Philippines.
Ayon kay Secretary Fortunato de la Peña ng Department of Science and Technology, nagsimula na ang trials ng Lagundi kahapon sa tatlong quarantine facility na kinabibilangan ng Quezon Institute quarantine center, Sta. Ana Hospital at Philippine National Police NCR community quarantine center.
“Iyon pong sa Lagundi, ang good news po ay naaprubahan na ng FDA ang clinical trials. So ito lang early this week po naaprubahan, so hopefully – hindi ko pa natsi-check ngayong araw na ito – ay nagsimula na,” ani dela Peña sa Laging Handa press briefing kahapon.
Sinabi ni dela Peña na nasa 200 pasyente ang kasali sa paggamit ng Lagundi.
Samantala, sinabi ng kalihim na hindi pa lumalabas ang approval ng FDA sa paggamit naman ng halamang “Tawa-Tawa” na pangangasiwaan ng UP Visayas.
Ipinaliwanag ni de la Peña na layunin nang paggamit ng mga halamang gamot na maibsan ang mga sintomas ng COVID-19 katulad ng ubo, lagnat at sakit ng lalamunan
Bukod sa Lagundi, isinasailalim na rin sa clinical trials ang VCO o virgin coconut oil laban sa COVID-19.
- Latest