3 mag-utol dedbol sa kinaing isda
MANILA, Philippines — Hindi na naisalba ng mga doctor sa Parang Maguindanao District Hospital ang tatlong magkakapatid kabilang ang isang 4 na buwang sanggol, matapos umanong malason sa kinaing ulam sa tanghalian sa Maguindanao.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Sammer Mataya, 12; Fahad, 10; at Turon, 4 buwan gulang, pawang mga residente ng Brgy. Karim, Buldon, Maguindanao.
Kasalukuyan namang inoobserbahan sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City ang anim na iba pa.
Ayon kay Buldon Municipal Office (MHO) Officer Dr. Elly Eluna na bumili ng isdang tayang ang ina ng mga bata sa pamilihang bayan at kanilang inulam sa tanghalian.
Makalipas ang ilang oras ay nakakaranas na ito ng sakit ng tiyan, nagsusuka at nagtae hanggang sa masawi ang magkakapatid.
Sinabi ni Eluna na inaalam pa nila kung sa isdang tayang nalason ang mga biktima o sa ininom na tubig na humantong sa severe diarrhea.
Patuloy na nag-iimbestiga ang MHO-Buldon at IPHO-Maguindanao sa naturang pangyayari.
- Latest