Grupong humirit ng ‘Revgov’ bantay sarado sa PNP
MANILA, Philippines — “Ito ay kailangan nating pag-aralan at i-monitor dahil kakaiba ang pangalan ng grupo. Subalit kailangan pa natin antabayanan ang susunod na aksyon ng nasabing grupo.”
Ito ang sinabi ni PNP spokesman Police Brigadier General Bernard Banac na nakaalerto na sila sa susunod na hakbang ng grupo na taga-suporta ni Pangulong Duterte na humirit ng revolutionary government.
Nabatid na inimbitahan ng Mayor Rodrigo Roa Duterte - National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) ang malalaking opisyal ng pamahalaan kabilang na sina PNP chief General Archie Gamboa at Defense Secretary Delfin Lorenzana sa pagpupulong ukol sa pagtalakay ng revolutionary government.
“Tayo ay nagpapaalala na tayo’y nasa ialim ng rule of law so napakahalaga na ang lahat ay tatalima base sa ating umiiral na Konstitusyon,” paliwanag ni Banac.
“Nais din natin na bigyan ng katiyakan sa publiko na ang PNP po ay mananatiling tapat sa atin pong Constitution. Susunod lamang tayo sa mga umiiral na batas,” dagdag pa nito.
Samantala, nilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque na galing sa isang pribadong grupo ang panawagan ng revolutionary government at malaya sila na maghayag ng kanilang opinion na bumuo ng isang revolutionary government na pamumunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ngayon nakatutok lang umano ang administrasyon sa pagtugon sa COVID-19 at mapagaan ang impact nito sa socioeconomic ng bansa. - Gemma Garcia
- Latest