2 Chinese kasuhan, ideport
May pakana ng ‘Manila Province of China’
MANILA, Philippines — Hiniling kahapon ni Manila Mayor Isko Moreno sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan at kasuhan ang dalawang Chinese national na may-ari ng apat na stalls ng beauty products na nakalagay sa label ang “Manila Province of China.”
Kinilala ni Moreno ang dalawang Tsino na sina Zhong Xing at Shi Li Li, nag-o-operate ng mga stalls sa Binondo at sa Divisoria Mall.
Sa kaniyang liham kay NBI Officer-in-Charge Eric Distor, nilabag ng Elegant Fumes Beauty Products Inc. (EFBPI) ang Section 40(a) at 88 ng Republic Act 7394 o ang Consumer Act of the Philippines, Section 10 ng RA 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009 at pagsasagawa ng online selling na walang kaukulang mga permiso.
Bukod dito ay isinulong din ni Moreno na ipatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang nasabing Intsik.
“We are requesting that deportation proceedings be initiated against Shi Zhong Xing and Shi Li Li. We are willing to submit relevant documents that may be used in the said proceedings,” bahagi ng liham ni Moreno sa BI.
Magugunita na ipinatigil ng Manila City Hall ang operasyon ng nasabing kumpanya na nasa San Nicolas, Maynila matapos makita ang produktong inangkat nito na mayroong nakasulat na “Manila Province of P.R. China” sa packaging.
Ang naturang label ay nakasulat sa packaging ng “Ashley Keratin Treatment Deep Repair” na inangkat ng EFBPI.
Tinuligsa ng alkalde ang ginawa ng dalawang Tsino na pambabastos sa soberenya ng Pilipinas bilang isang bansa.
“Hindi po ito katanggap-tanggap sa akin bilang Pilipino, bilang Manileño. Hindi po natin papayagan ito. Ang Binondo ay bahagi po ng Maynila at ang Maynila ay bahagi ng Pilipinas.
Ang Maynila ang kapitolyo ng bansa, hindi po ito probinsya ng China; at ni minsan, hindi ito naging bahagi ng Tsina sa anumang lathalain o kasaysayan na naitala sa panahon natin at panahon ng ninuno natin,” ayon kay Moreno.
- Latest