Serbisyo ng PECO sa Iloilo City natapos na
MANILA, Philippines — Nilinaw ni dating Parañaque City Rep. Gus Tambunting na wala nang basehan ang apela ng Panay Electric Company (PECO) sa Energy Regulatory Commission (ERC) na maibalik ang kanilang Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) at mapayagan muling makapag-operate bilang distribution utility (DU) sa Illoilo City dahil wala na itong legal na kapangyarihan para gawin ito.
Ito ay base sa inihaing supplemental motion for reconsideration ng PECO sa ERC noong Mayo 22 kung saan hinihiling nitong mabalik ang kanilang operational permit para sila muli ang maging power supplier sa Iloilo City sa katwirang walang technical competence ang kasalukuyang DU na More Electric and Power Corp (More Power).
Ayon kay Tambunting, na dating Vice Chairman ng House Committee on Legislative Franchises, kahit pa man maibaik ang operational permit ng PECO ay malinaw na wala na itong pinanghahawakang legislative franchise.
Tanging ang More Power ang s’yang may legislative franchise na ginawad ng Kongreso na inaprubahan ng Malacañang at ito lamang ang natatanging DU na papayagang makapag-operate sa Iloilo sa hinihingi ng PECO sa ERC na sila muna ang mag-takeover sa Iloilo ay hindi maaaring mangyari.
Si Tambunting ay isa sa mga mambabatas na sumuporta na maalisan ng prangkisa ang PECO kasunod na rin ng mga natanggap na ebidensya ng komite nito ukol sa kabiguan ng power firm na gampanan ang responsibilidad nito bilang power utility dahil sa isyu ng safety bunsod ng pagkasunog ng mga lumang electric poles, mataas na singil sa kuryente at mahinang customer service.
Dumepensa naman si More Power President and CEO Roel Castro sa umano’y mga taktika ng PECO na ipinalalabas na walang alam ang More Power sa pagpapatakbo ng power company gayung mayroon silang 142 empleyado at 70 sa mga ito ay pawang technical team mula sa PECO na kanilang inabsorb at ngayon ay regular employees na rin ng kumpanya.
- Latest