Physical distancing at face mask sa loob ng bahay
Inirekomenda ng DILG…
MANILA, Philippines — Upang makaiwas sa hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay pinapayuhan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga pamilya na subukang magkaroon ng physical distancing o magsuot ng face masks sa loob ng kanilang mga tahanan.
Ang payo ay ginawa ni Año matapos na sabihin ni National Task Force (NTF) against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na ang mga economic hubs at informal communities ang pinakakritikal sa transmission ng virus.
Dapat, anyang tandaan ng lahat na ang hawahan ng virus ngayon ay maaari ring mangyari sa pagitan ng bawat miyembro ng pamilya kaya’t dapat na maging maingat ang lahat.
“Dapat ang best try ay gawin nila. Ang pinaka-importante diyan, kung talagang hindi nila maiiwasan, talagang magsuot sila ng mask. Advisable din ‘yung face shield dyan,” payo pa ni Año.
“Ang importante rin, ‘yung mga elders na kasama natin sa bahay dapat maprotektahan sila. Dapat talaga nakasuot sila ng mga mask, ‘yung mga mahihirap, at kung hindi pupwede, lahat talaga mag-stay at home,” dagdag pa nito.
Matatandaang nang paluwagin ng pamahalaan ang community quarantines ay bumilis ang hawahan ng virus at dumami ang mga taong dinadapuan nito.
- Latest