Pekeng contact tracers tugisin — DILG
MANILA, Philippines — Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang local government units (LGUs) at Philippine National Police (PNP) na tugisin ang scammers na nagpapanggap na contact tracers at nangungulimbat ng pera.
Giit ni DILG Secretary Eduardo Año, may grupong nagpapakilala na mula sa Department of Health (DOH) at sinasamantala ang coronavirus disease-2019 (COVID-19) pandemic para magkapera.
Ayon kay Año, dapat na patuloy na nagbabantay ang mga LGUs at PNP laban sa mga scammers na nagsasamantala pa rin para sa kanilang kapakanan, kahit nahaharap na ang bansa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
“Isa pang virus na kailangan pag-ingatan ng mga tao ang mga scammer na ito na sumasabay pa at nakukuhang manamantala ng kapwa ngayong krisis at ito ngang sa DOH ang pinaka-recent. I urge all LGUs and our men and women of the PNP immediately investigate these criminal activities,” pahayag pa ni Año.
Ayon naman sa DOH, dapat na maging vigilante ang publiko at hindi dapat na i-entertain ang mga naturang tawag.
Pinaalalahanan din ng DOH ang publiko na sila ay walang contact tracing team at beripikahin muna ang basic information at tiyaking sila ay ini-refer nga ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) sa kanilang lugar.
- Latest