Rapid testing ipinatupad sa Korte Suprema
MANILA, Philippines — Bilang tulong sa pamahalaan para masawata ang pagkalat ng virus sa bansa ay nagpatupad ng “rapid testing” ang Supreme Court sa kanilang mga tauhan na bahagi ng ‘skeletal force’ na kinakailangang pumasok sa opisina kahit na may umiiral na ‘quarantine’.
Dalawang ‘medical tents’ ang inilagay sa compound ng SC, isa sa labas ng New Building at isa sa Old Building sa may Padre Faura Street sa Maynila.
Dito isinailalim ang mga empleyado sa COVID-19 rapid tests.Habang isinailalim naman sa rapid tests ang mga mahistrado at mga opisyal ng korte sa Dignitaries Lounge.
“The rapid testing is the Court’s way of complementing the efforts of the government to curb the spread of the pandemic and to flatten the curve,” ayon kay Chief Justice Diosdado Peralta.
Nakipagkoordinasyon ang SC sa tanggapan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa pagsasagawa ng rapid test habang may koordinasyon din sa isang ahensya ng pamahalaan para sa mga panuntunan kung may matatagpuang positibo sa mga pagsusuri.
Idinagdag pa ni Peralta na isasailalim ang halos lahat ng kanilang mga empleyado sa rapid testing sa oras na bumalik na sa ‘full operation’ ang SC na isasagawa araw-araw hanggang sa lahat ng tauhan ng SC ay sumaillaim na sa pagsusuri.
- Latest