PNP iimbestigahan ang ‘sex-for-pass’ sa checkpoints
MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Archie Francisco Gamboa ang mga alegasyon ng sexual harassment, lalo na sa mga sex worker sa quarantine control points (QCPs).
Sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, nais malaman ni Gamboa kung may katotohanan ang mga alegasyon ng “sex-for-pass”, at sinabing hindi makatarungan ang mga alegasyon sa mga pulis na tinataya ang kanilang kalusugan upang gawin ang kanilang trabaho.
Sinabi rin ni Banac na nasabihan na ang Women and Children Protection Office ng PNP upang pangunahan ang pagsasagawa ng imbestigasyon.
Nanawagan siya sa mga biktima na lumantad at tumulong sa PNP sa imbestigasyon at sinabing kapag pinabayaan nilang lumipas ang insidente, mas maraming kababaihan pa ang mabibiktima ng sex-for-pass harassment.
Nauna nito, isang babae ang nagsabi na sekswal siyang inabuso ng isang pulis na naging kostumer aniya bilang kapalit ng pagdaan sa QCP.
- Latest