Krisis sa edukasyon nakaamba
MANILA, Philippines — Nakaamba ang mas malaking krisis sa sektor ng edukasyon kapag itinuloy ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas ng klase ng mga estudyante sa Agosto 24.
Ito ang inihayag ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) Chairperson Benjo Basas na lilikha lamang ng mas malaking problema dahil sa patuloy na banta ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
“Mas malaking krisis ang kakaharapin kung itutuloy ang pagpasok sa Agosto 24 lalo pa’t ngayon pa lamang halos tayo nagsisimula sa isinasagawang COVID-19 testing at ang situwasyong ito ay marahil umabot hanggang Agosto,” ani Basas.
Una ang inihayag ni DepEd Sec.Leonor Briones na sa halip sa Hunyo at ililipat na lamang sa Agosto ang pagbubukas ng klase matapos ang ginawang consultations sa mga stakeholders.
Anya, hindi naman kailangan ang physical na pagpasok ng estudyante sa paaralan sa halip ay ipapatupad ang ibang modes ng pagtuturo tulad ng online platforms, printed modules, at media program sa radio at television.
Pero, sinabi ni Basas na ang alternative learning na delivery modes at lilikha ng “discrimination” sa mga mag-aaral lalo na ang mga nakatira sa far-flung communities at mahihirap na pamilya na walang access sa internet.
- Latest