P80 milyon pananim sinira ni ‘Ambo’ sa Bicol
MANILA, Philippines — Nasa P80 milyong halaga ng inisyal na pinsala sa agrikultura ang iniwan ng bagyong “Ambo” matapos ang pananalasa nito sa Kabikolan, ayon sa inilabas na datos ng Office of Civil Defense (OCD) kahapon ng umaga.
Ayon kay OCD regional director Claudio Yucot, pinakamalaking napinsala ay ang sektor ng pangingisda sa lalawigan ng Masbate na umabot sa halagang P36,942,224. Sunod na pinakamalaking danyos ay ang high value crop mula sa lalawigan ng Camarines Sur na umabot sa P33,124,161.
Ang Albay naman ay nakapagtala ng nasalantang palay na umabot sa P4,599,362.
Sa Sorsogon na unang dinaanan ng bagyo ay nakapagtala ng P2,623,644 na halaga ng pinsala sa niyog.
Umabot naman sa P2,551,720 ang napinsala sa livestock ng Catanduanes habang P85,450 sa pananim na mais sa Camarines Norte.
Inaasahang lalo pang tataas ang halaga ng danyos na maitatala sa Kabikolan habang patuloy ang ginagawang assesment sa kabuuang sinalanta ng bagyo sa agrikultura at sa mga imprastraktura.
- Latest