Hagupit ni ‘Ambo’: 4 patay, 9 sugatan
MANILA, Philippines — Apat ang naiulat na nasawi habang 9 ang sugatan at dalawa pa ang nawawala sa pananalasa ng bagyong Ambo sa bansa.
Sa report ng Quezon Police, patay ang ginang na si Lourdes Quinto, 62-an-yos habang sugatan ang mister nitong si Melencio Quinto, 66-anyos, magsasaka makaraang madaganan ng pader ang kanilang tahanan sa kasagsagan ng bagyong Ambo sa Brgy. San Vicente Silangan, Ca-tanauan, Quezon.
Nasawi rin si Junil Banzagales, 24, ng Brgy. Sagpon, Bacacay, Albay nang makuryente matapos aksidenteng mahawakan ang live wire sa paghagupit ng bagyo dakong alas-2:25 ng hapon kamakalawa.
Iniulat naman ni Eas-tern Samar Gov. Ben Evardone na dalawa ang patay kabilang ang isang lalaki na tinamaan ng nabasag na salamin ang namatay rin sa pananalasa ng bagyo sa San Policarpio. Ang bagyo ay nagdulot sa lalawigan ng pagkabuwal ng mga poste ng kuryente, pagkawasak ng mga bubu-ngan ng mga bahay, gusali at maging ang isolation facility para sa mga pas-yente sa mga Person Under Investigation (PUIs) sa COVID 19.
Sa 9 na nasugatan, anim dito ay mula sa Canavid, Eastern Samar; isa sa Jiabong, Samar; isa sa Camarines Norte at ang lalaking nasugatan sa nabuwal na pader sa Catanauan, Quezon habang dalawa ang nawawala sa Eastern Samar.
Inihayag naman ni NDRRMC Executive Dir. Ricardo Jalad na mara-ming mga nasirang daan sa Eastern Samar na pinakagrabeng sinalanta ni Ambo, may nawasak na gymnasium at may mga bahay na hindi na mapapakinabangan.
Kahapon ay napanatili ni Ambo ang kanyang lakas habang patuloy ang pagkilos pahilaga hilagang kanluran papuntang West Philippine Sea.
Alas-2 ng hapon kahapon, si Ambo ay namataan ng PAGASA sa layong 75 kilometro (km) ng kanluran hilagang kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte.
Ngayong Linggo, ang bagyo ay inaasahang nasa layong 125 kilometro ng kanluran hilagang kanluran ng Basco, Batanes habang sa Lunes ay inaasahan nang lalabas sa Philippine area of responsiblity (PAR) ang bagyo.
- Latest