Inmate sa Bilibid na may COVID-19, patay
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Bureau of Corrections (Bucor) na pumanaw na habang naka-confine sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang inmate na kauna-unahang tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay Colonel Gabriele Chaclag, tagapagsalita ng BuCor, noong Huwebes ng gabi (Abril 23) nang bawian ng buhay sa RITM ang male person deprived of liberty (PDL) at properly disposed na sa pamamagitan ng cremation.
“Naospital siya (COVID deceased inmate) kasi may asthma siya, brochial asthma na dating sakit. ..susceptible siya lumala. Hindi ko alam kung saan niya nakuha yun (CoVid-19) kasi malinis at mahigpit ang disinfection sa mga pumapasok na staff at wala namang dalaw, maaga nga kami nagpatupad ng mahigpit na infection control protocols para ‘wag makapasok ang virus, kaso hindi talaga napigilan,” ani Chaclag.
Aniya, matapos ang contact tracing, nasa mahigit 40 na inmate na nakasalamuha ng nasawi ang inilipat na rin kaagad sa Medium Security Camp na nagsisilbing quarantine para i-isolate habang hindi pa lahat naisasalang sa COVID test.
“Wala naman asymptomatic naman sila, apat na ang na-test na pero wala namang nagpositive sa apat, kaso rapid test lang yun, di naman yung PCR (polymerase chain reaction) na standard para makita kung confirmed COVID case,”ani Chaclag.
Sa tala, nasa mahigit 29,173 ang populasyon ng mga preso sa BuCor.
- Latest