Pagsulong ng tax reform ‘bad timing’- Imee
MANILA, Philippines — Maituturing na “bad timing” ang nais ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Karl Kendrick Chua na ituloy ang pagsusulong ng tax reform measures kahit may COVID-19 pandemic.
Ito ang sinabi ni Senador Imee Marcos, chairman ng senate committee on economic affairs, na kapag ganitong may krisis dapat ay may tax relief o pagluluwag at paglilibre sa buwis sa halip na dagdagan.
Una nang sinabi ni Chua na matapos ang COVID-19 lockdown ay kailangang isulong ang nabiting tax reform measures para maisaayos ang kumplikado, hindi patas at hindi efficient na pagkolekta ng buwis para magkaroon ng dagdag na kita ang gobyerno na ganitong paraan ay hindi umano palaging uutang ang gobyerno ng pantulong sa mga nagigipit nitong pandemic.
Sa ilalim ng tax reform na nabitin sa Kongreso dahil sa pandemic ay babawasan ang income tax ng mga korporasyon, subalit babawiin ito sa pagtatapyas o pagpapatigil ng kanilang mga tax incentives.
Iginiit ni Marcos na para hindi mabaon ang bansa sa utang ay sundin ng Malacañang ang kanyang mungkahi na humingi ang bansa sa debt moratorium o makiusap sa mga bansa at financial institutions para hindi muna pagbayarin ang Pilipinas sa mga interes ng utang nito.
Sa budget ngayong taon ng gobyerno ay mahigit sa P400 bilyon ang nakalaan na pambayad sa interes ng mga utang at maaari sana itong magamit kung makikiusap muna na huwag bayaran para mapakinabangan ito para sa pagbibigay tulong pinansyal sa mga nagigipit ngayon.
- Latest