3 lalaki ipinang-inom ang natanggap na P6,500 ayuda, inaresto
MANILA, Philippines — Bagsak sa kalaboso ang tatlong lalaki na nag-iinuman sa kalye matapos silang arestuhin dahil sa paglabag sa pinaiiral na enhanced community quarantine kamakalawa sa Brgy. Tulat, San Jose City, Nueva Ecija.
Kinilala ni City Chief of Police Lt Colonel Heryl Bruno ang mga nadakip na sina June Sierra, 34; Rodelio Ballesteros, 33; at Lito Ballesteros, 41, na pawang mga residente ng nasabing barangay.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang tatlo ay nakatanggap ng ayuda na P6,500 bawat isa bilang benepisyaryo ng Social Amelioration Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang nakuhang ayuda ay kanila umanong ibinili ng alak at nag-inuman sa kalsada, alas-11:30 ng umaga.
Ang ipinagkaloob na cash ay para sa mga mahihirap na naapektuhan ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic at sa halip na bumili ng maipapakain sa pamilya ay nagsipaglaklakan kahit may umiiral na liquor ban.
- Latest