‘PWDs gawing prayoridad sa pamamahagi ng relief goods’
MANILA, Philippines — Dahil sa mga natatanggap na reklamo, inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na gawing prayoridad ang mga taong may kapansanan o persons with disabilities (PWDs) sa ginagawa nilang pamamahagi ng mga relief goods, kaugnay ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, dati nang marginalized ang mga PWDs at ngayong may lockdown dahil sa COVID-19 pandemic ay higit silang dapat na bigyan ng atensiyon. Partikular na tinukoy nito ang mga bata, buntis at matatandang may kapansanan na dapat na tutukan ng pansin.
“The ECQ is more challenging to vulnerable groups like PWDs. The DILG urges LGUs to prioritize PWDs in distributing food packs, medicine, and vitamins,” ani Año.
Nanindigan si Año na dapat tiyakin ng lahat ng LGUs, partikular na ng mga barangay na magkaroon ang lahat ng PWDs ng access sa sapat na pagkain at ikokonsidera ang kanilang kinakailangang mga nutrisyon, alinsunod sa itinatakda ng batas. Dapat din umanong payagang gumamit ng barangay vehicle ang mga PWDs, kung may emergency.
- Latest