2 nasawi sa COVID ayaw ipalibing ni mayor
MANILA, Philippines — Nakatakdang isyuhan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ng show cause order si Rizal, Rodriguez Mayor Dennis Hernandez matapos na tanggihang mailibing sa kanilang lugar ang dalawang Pinoy na namatay sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) kamakailan.
Ayon kay Año,na ang ginawa ni Mayor Hernandez ay malinaw na pagsuway sa mga panuntunan ng pamahalaan sa paglilibing sa gitna ng public health emergency situation sa bansa.
“Limitado ang Muslim cemeteries dito sa Metro Manila. Huwag na po sana nating dagdagan pa ang pighati ng mga namatayan na nagnanais lamang na maayos na mailagak sa huling hantungan ang kanilang namatay na mahal sa buhay,” ayon pa kay Año.
Dahil sa pagtanggi ng alkalde, kinailangan pa ng pamilya ng mga namatay sa isang Muslim cemetery sa Norzagaray, Bulacan ilibing ang kanilang mga mahal sa buhay.
Nabatid na ang unang biktima ay binawian ng buhay noong Marso 22 at nailibing matapos ang dalawang araw, habang ang ikalawa naman ay nalagutan ng hininga noong Marso 30.
Sa pananampalatayang Islam, ang mga yumao ay kailangang mailibing sa loob lamang ng 24-oras matapos na bawian ng buhay.
- Latest