Duterte binigyan ng special powers ng Kongreso
Para labanan ang COVID-19…
MANILA, Philippines — Binigyan ng special powers ng Kongreso si Pangulong Duterte ngayong nahaharap ang bansa sa health emergency dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Inaprubahan ng Kamara ng Martes ng madaling araw ang aprubadong bersyon ng Senado ang “Bayanihan to Heal as One Act” na nagbibigay sa Pangulo ng special powers ngayong nahaharap ang bansa sa krisis pangkalusugan.
Sa ipinasang batas, maglalaan ng emergency subsidy ang pamahalaan para sa 18-milyon na low-income families sa bansa. Pagkakalooban ang mga ito ng P5,000 hanggang P8,000 subsidiya sa loob ng dalawang buwan.
Makatatanggap din ang mga pampubliko at pribadong health workers na infected ng virus ng P100,000 na kompensasyon.
Financial aid na P1 milyon ang ibibigay naman sa mga pamilya na nahawaan ng sakit at namatay habang nasa duty.
Ilan sa mga kapangyarihang ibinigay sa Pangulo ay ang otoridad na makapag-realign ng pondo ng gobyerno para tugunan ang suliraning dala ng krisis.
May kapangyarihan din si Duterte na mag-direct ng operasyon ng “privately-owned hospitals, medical and health facilities including passenger vessels and other establishments” kung kinakailangan na.
Ang mga establisimyentong ay gagamitin para sa housing ng mga health workers, quarantine facilities, medical relief and aid distribution locations.
Maaari ring i-direct ng Pangulo ang operasyon ng public transportation na siyang magdadala ng health, emergency, at frontline personnel.
May kapangyarihan din ang Pangulo na i-require ang mga negosyo na bigyang prayoridad at tumanggap ng kontrata para sa delivery ng mga pangunahing pangangailangan sa gitna ng health emergency at mapabilis ang pagbili ng mga medical equipment.
Kasalukuyang nasa 501 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 at mahigit 30 na ang nasawi sa virus sa bansa.
- Latest