Chopper na sinasakyan ng PNP chief,7 pa bumagsak
MANILA, Philippines — Isang helicopter na sinasakyan ni Philippine National Police chief General Archie Gamboa at 7 iba pa kabilang ang mga top PNP officials ay bumagsak kahapon ng umaga sa San Pedro, Laguna.
“Si Gamboa ay nagtamo ng minor injuries, subalit ang 2 police generals na kasama niya ay “critical condition,” wika ni Police Major General Benigno Durana.
Sila ay kinilalang sina PNP comptrollership chief Major General Jovic Ramos, PNP intelligence director Major General Mariel Magaway.
Sa inilabas na inisyal statement ng PNP Public Information Office na ang lahat ng mga police officers at dalawang pilots ay ligtas at nagtamo ng minor injuries na kinilalang sina PNP Spokesman Brigadier General Bernard Banac, Gamboa’s aide-de-camp Captain Kevin Gayramara, pilot Lieutenant Colonel Ruel Zalatar, co-pilot Lieutenant Colonel Rico Makawili, at Master Sergeant Louie Estona.
Habang inilalabas si Gamboa sa chopper ay nag-thumbs up sign ito na tila sinasabing okey ang kanyang kalagayan.
Pasado alas 10:00 ng umaga nang dumating sa St. Luke’s, sa Global City, Taguig ang ambulansiyang nagsakay kay Gamboa mula sa Westlake Medical Center, sa Laguna kung saan siya binigyan ng paunang lunas.
Bagama’t minor injury lang o sugat sa kanang braso at mukha ang nakitang tinamo ni Gamboa ay naka-confine siya sa St. Luke’s upang isailalim sa CT scan.
Nakikiusap ang Philippine National Police (PNP) sa mga netizen na tigilan na ang pag-post sa social media ng mga larawan ng mga nasaktang sakay ng helicopter na bumagsak sa City of San Pedro sa Laguna.
Sa ipinalabas na pahayag ni PNP acting spokesman Durana, sinabi nito na tigilan na rin sana ang pagpapakalat ng haka-haka at maling impormasyon kaugnay sa insidente.
Nakikiusap na lang sila na samahan sila sa pagdarasal para sa mabilis na paggaling ng mga nasaktan sakay ng Bell 429 helicopter kasama na si PNP Chief Gamboa.
Kinumpirma sa pahayag na bumagsak ang helicopter nang sumabit ito sa kawad ng kuryente.
Kasabay nito, grounded na ang lahat ng rotary-wing aircraft ng pambansang pulisya bilang bahagi ng standard procedure sa tuwing may insidente at iniimbestigahan ang pangyayari. Doris Franche-Borja
- Latest