2 mayor na bigong ipatupad ang road clearing operations, kinasuhan
MANILA, Philippines — Sinampahan ng kasong administratibo ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang dalawang mayor nang mabigo umanong tumalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa road clearing operations.
Ito ang inihayag ni DILG Secretary Sec. Eduardo Año at ito na ang ikalawang batch ng kasong naisampa sa Office of the Ombudsman matapos na mabigo ang dalawang alkalde na tumugon sa ‘show cause order’ na inisyu ng departamento at bukod rito ay nangunguna ang mga ito sa may pinakamababang grado sa isinagawang ebalwasyon at assessment ng DILG.
Kinilala ang dalawang kinasuhan ng administratibo kaugnay ng gross neglect of duty at grave misconduct sa Ombudsman na sina Boliney,Abra Mayor Benildo Balao-as at Motiong,Samar Mayor Renato Cabael.
Nabigo rin ang dalawang alkalde na magkaroon ng rehabilitation at sustainability plans na bahagi ng mekanismo sa road clearing operation.
Magugunita na noong Oktubre ng nakalipas na taon ay nag-isyu ng show cause order ang DILG sa 97 LGUs sa buong bansa na pinagpapaliwanag sa hindi pagtugon sa direktiba ng DILG na tanggalin ang lahat ng mga sagabal sa lansangan, mga pangunahing highway para ibalik ito sa publiko.
- Latest