500 Pinoy sa cruise ship na naka-quarantine sa Japan, papauwiin
MANILA, Philippines — Papauwiin na umano sa Pilipinas ang mahigit 500 Pinoy crew members ng naka-quarantine na cruise ship sa Japan.
“Merong report to that effect na, as early as bago ako umalis, meron nang repatriation process na ginagawa para maiuwi iyong ating 500-plus na Filipino crew members”, wika ni Labor Secretary Silvestre Bello III.
Nabatid na umaabot na sa 1,219 ang bilang ng mga pasahero sa cruise ship ang nasuri na kung nasa 3,400 ang pasahero at crew ng nakadaong sa Yokohama Port.
Ayon sa pahayag ni Japanese health minister Katsunobu Kato na pumalo na sa 355 mula sa dating 70 ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa mga pasahero at crew ng Diamond Princess.
Nabatid na 38 sa 70 indibiduwal ay hindi nagpakita ng anumang sintomas tulad ng ubo at lagnat.
Nasa 11 Pinoy crew members sa nasabing luxury ship ang kumpirmadong nagkaroon ng COVID-19.
Sinabi rin ni Bello na nakikipag-ugnayan na siya sa agency ng Pinoy crew members sa pakiusap na rin ni Health Secretary Francisco Duque III para sa kanilang posibleng quarantine facility sa pagbabalik ng mga ito.
Naka-isolate na mula pa noong Pebrero 3 ang cruise ship makaraang sumakay sa barko ang isang pasaherong nagpositibo sa virus.
Mananatili ang mga pasahero hanggang bukas, Pebrero 19, 14 na araw matapos ang kanilang isolation period.
- Latest