US binanatan ang Pinas sa pagbasura sa VFA
MANILA, Philippines — “W rong direction”.
Ito ang naging banat kahapon ni US Defense Secretary Mark Esper sa naging hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos na ipawalang bisa ang Visiting Forces Agreement (VFA) dahilan sa isyu ng rehiyonal na seguridad na hindi malayong samantalahin ng China sa pagiging higit pang-agresibo sa South China Sea (West Philippine Sea).
“I do think it would be a move in the wrong direction as we both bilaterally, with the Philippines and collectively, with a number of other partners and allies in the region, are trying to say to the Chinese you must obey the international rules of order. You must obey, you know, abide by international norms,” pahayag ni Esper.
Ginawa ni Esper ang pahayag ilang oras matapos na ipadala na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang notice of termination ng VFA sa US Embassy sa Manila habang patungo ito sa Europe upang dumalo sa Security Conference ng NATO officials sa Germany.
Sinabi naman ni US Department of State Assistant Secretary for Political-Military Affairs R. Clarke Cooper na ang pagtuldok sa VFA sa ilalim ng 1951 Mutual Defense Treaty ng Pilipinas sa Estados Unidos ay makakaapekto ng malaki sa military-to-military activities ng US at AFP troops.
Hindi naman ikinagulat ng Malacañang ang banat ng US na maling diskarte ang pagbasura sa VFA
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, malinaw kasi na ang VFA ay higit na naging paborable at kapaki-pakinabang lamang sa Amerika.
Tiyak din kasi aniyang maaapektuhan ang strategic defensive positioning ng Amerika ngayong wala na ang VFA.
Nanindigan pa si Panelo na nasa tamang direksyon ang Pilipinas at dapat na matagal nang ginawa at panahon na aniya na palakasin ang sariling depensa ng Pilipinas.
Ayon kay Panelo, hihina lamang kasi aniya ang defense mechanism ng Pilipinas kung palaging aasa sa ibang bansa.
Sinabi pa ni Panelo na ang desisyon ni Pangulong Duterte na ibasura ang VFA ay nakaangkla sa pagbalangkas ng independent foreign policy kung saan binibigyang halaga ang interes ng taong bayan.
Samanatala, walang plano ang Malacañang na magsagawa ng pagrepaso sa umiiral na Mutual Defense Treaty (MDT) at Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika kasunod ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA).
- Latest