14 sa 357 narco cops piniling magretiro
MANILA, Philippines — Mas piniling magretiro ng maaga ang 14 sa 357 mga tinaguriang narco cops matapos masibak sa puwesto habang 46 pa ang nag-AWOL (Absence Without Official Leave).
Ito ang kinumpirma kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Gamboa kaugnay ng hamon nito sa mga narco cops na lisanin na ang serbisyo ng mga guilty.
Habang ang mga inosente ay isasalang sa masusing imbestigasyon at patunayan na mali ang akusasyon laban sa kanila sa pamamagitan ng paglulutang ng matitibay na ebidensya na maglilinis sa kanilang mga pangalan.
Sinabi pa ni Gamboa na ang nakakapagod na parte ay ang pag-validate sa mga nasa drug list, kung ang isang pulis na kanilang iniimbestigahan at kung talagang sangkot sa illegal drug trade at maging sa paggamit ng illegal na droga ay sasampahan ito ng kaso at pagkatapos ng validation ay kanila itong isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayaw pa ring pangalanan ni Gamboa ang mga tinaguriang narco cops dahil patuloy pa rin ang isinasagawang pag-validate sa kaso ng mga ito kaugnay ng “relentless internal cleansing” sa hanay ng kapulisan.
- Latest