Mga manggagawa sa Technohub nangangamba na mawalan ng trabaho
MANILA, Philippines — Bagama’t hindi pa gumugulong ang imbestigasyon sa lease contract sa pagitan ng Ayala Land Inc (ALI) at ng University of the Philippines (UP) ay aminado ang mga empleyado sa Technohub, partikular ang BPO workers na nababahala sila sa sitwasyon at nangangamba na mawalan ng trabaho.
Ayon kay Virmel Villareal, 31 na nagtatrabaho sa isang BPO company sa Technohub na sa mga nangyayari at sa mga nababasa ay natatakot na magising na lang isang araw na wala ka na palang trabaho dahil ipinasara na.
Idinagdag pa ni Virmel, sa dalawang taon niyang pagtatrabaho sa Technohub ay wala syang naging problema, maaliwalas at ligtas sa kanyang pinagtatrabahuhan, accesiible sa lahat at may maayos na panuntunan sa buong complex kaya naman nang marinig niyang iimbestigahan ang UP-Technohub complex ay nalungkot siya kasama na ng kanyang mga kasamahan sa trabaho.
“Nananawagan kami kay Pangulong Duterte, huwag naman sana kaming mawalan ng trabaho. Napakahirap mawalan ng trabaho sa panahong ito,” pahayag ni Virmel.
Umapela rin si Ma. Cristina dela Vega, isang call center agent sa Convergys na huwag sanang magpabigla-bigla ang Malacañang at bigyan ng pagkakataon ang Ayala Land na magpaliwanag.
- Latest