Idinamay pati alagang aso… Tsinoy nalugi sa negosyo, nagbaril sa ulo
MANILA, Philippines — Posibleng hindi nakayanan ng isang 59-anyos na Fil-Chinese ang depresyon dahil sa pagkalugi sa negosyo kung kaya’t minabuting tapusin na lamang ang kanyang buhay nang magbaril sa ulo at idinamay pa ang alagang aso naganap sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Nasawi noon din dahil sa tama ng bala sa sentido ang biktimang si Herbert Chua, may asawa, may-ari ng tindahan ng electrical supply at residente sa M.H Del Pilar St., Malate, Maynila.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa ground floor ng bodega malapit sa fire exit ng establisimyento sa H. Lopez Blvd., Gagalangin, Tondo, Maynila.
Habang naglilinis umano ng mga bumbilya sa ikalawang palapag ng gusali ang company driver na si Victor Bustalino Jr.,40, nang makarinig ng dalawang magkasunod na putok ng baril at nang puntahan ay nakitang duguang walang buhay ang biktima, gayundin ang kanyang alagang aso na hinihinalang isinama sa pagpapakamatay.
Aminado naman ang maybahay na si Lilibeth Chua, na nakararanas ng depresiyon ang biktima dahil sa pagkalugi ng kanilang negosyo.
- Latest