Terorista timbog sa Quezon City
Pointman ng Islamic State...
MANILA, Philippines — Nadakip ng mga otoridad ang isang hinihinalang miyembro ng terror group na Daulah Islamiyah dahil sa illegal na pagbebenta ng baril, kamakalawa sa Brgy. North Fairview, Quezon City.
Ang suspek ay kinilalang si Datu Omar Palty, alyas Allan Palte, 26, residente ng 123 Block 4, Ipil-Ipil St., Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Ronnie Montejo na ang suspek ay inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa isang entrapment operation.
Ayon sa ulat, bago nadakip ang suspek, ala-1:00 ng madaling araw nitong Bagong Taon sa Adrian St., kanto ng Banning St., Brgy. North Fairview ay nakatanggap ng ulat ang mga otoridad na nagbebenta ito ng mga baril kaya’t kaagad ikinasa ang entrapment operation.
Isang pulis ang umaktong poseur buyer at bumili ng LLAMA MAX-1 Caliber .45 pistol na may serial no. 71-04-09233-03 at loaded ng apat na bala.
Nang magpositibo ang transaksiyon ay kaagad inaresto ang suspek at nasamsam din dito ang isang hand grenade at P10,000 marked money na ginamit sa transaksiyon.
Nabatid na ang suspek ay isang dating miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa ilalim ng pamumuno ni Commander Esmael Abubakar alias Bungos, pero lumipat sa Daulah Islamiyah Group sa pamumuno naman ni Esmael Abdulmalik alias Abu Turaife at nagsisilbing pointman o kontak sa Metro Manila ng mga lokal na Islamic State terrorist sa Mindanao.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o The Comprehensive Firearms and Ammunition Law at RA 9516 o Illegal Possession of Explosives.
- Latest