Garbage collector itinumba ng kapitbahay
MANILA, Philippines — Dead on the spot ang isang 29-anyos na garbage collector nang malapitang barilin ng tatlong beses sa ulo nang nakaalitang kapitbahay sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na namatay habang nakaupo sa hagdan ng kaniyang bahay ay kinilalang si Rogelio Tomelden, residente ng Building 20, Temporary Housing, Aroma Compound, Tondo.
Tumakas naman ang suspek na kinilalang si Rommel Bayarcal, 25, residente rin ng lugar.
Sa ulat, bago naganap ang krimen, dakong alas 8:00 ng gabi sa loob ng bahay ng biktima ay unang nag-away ang biktima at suspek na agad namang naawat.
Dito ay umuwi na ang suspek habang ang biktima ay pumasok ng bahay at doon nagpakalma.
Habang kausap ng biktima ang live-in partner ay sumulpot ang suspek at tinabihan ang biktima na nakaupo sa hagdanan.
Nauwi muli sa pagtatalo ang kanilang paghaharap hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at malapitang pinaputukan sa ulo ang biktima kahit naroon ang kinakasama at kanilang anak.
- Latest