23 dayuhang ‘sex workers’ nasagip
MANILA, Philippines — Matagumpay na nailigtas ang 23 na babaeng dayuhan na karamihan ay mga Chinese national sa isinagawang operasyon ng mga otoridad sa Parañaque City at Mabalacat City sa Pampanga, kamakalawa.
Sinabi ni Parañaque City Police chief, P/Col Robin King Sarmiento na dakong alas-8 ng gabi nang isagawa ang pagsalakay sa tinutuluyang unit ng mga dayuhang babae sa Bay Tower 1 Condominium sa Roxas Blvd., Brgy. Tambo, ng naturang lungsod.
Nabatid na unang nagsuplong sa Chinese Embassy ang isa sa mga biktima na si Huang Xia, 31. Sinabi niya na ni-recruit siya ng mga kababayan upang magtrabaho sa isang POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) ngunit sa halip ay ibinubugaw umano sila ng kanilang manager sa kustomer na Chinese national.
Sinabi ni Sarmiento na nakatakda sana silang magkasa ng entrapment operation sa naturang lugar ngunit pagdating nila sa condominium building ay naroroon na ang mga tauhan ng PNP-WCPD kaya tuluyan nilang pinasok ang lugar na nagresulta sa pagkakasagip kay Huang at 13 niyang kasamahabang babae na iba-iba ang nasyunalidad.
Samantala, siyam pang babaeng Chinese ang nasagip ng mga otoridad sa prostitusyon sa isinagawang anti-human trafficking operation sa Clark Development Corporation sa Mabalacat City, Pampanga.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 3 Director Police Brig. Gen. Rhodel Sermonia ang operasyon ay isinagawa sa No. 403 On Pool Villas, Lot 1 E. Aguinaldo Street, Clark Development Corporation sa lungsod ng Mabalacat.
Ang lima sa mga nasagip ay kinilala sa mga alyas na “Fan” at “Jianwu”; mga tubong Hube, China; “Wang” at “Xiakai”; tubong Sichuan, China; at isang alyas “Jeff”, isa ring Chinese national at apat na iba pa na bigo pang matukoy ang pagkakakilanlan dahilan sa kailangan pa ng interpreter bunga ng hindi ang mga ito makapagsalita ng Ingles.
- Latest