Total ban sa POGO isinusulong ng Kamara
MANILA, Philippines — Kung hindi umano mabubuwisan at mapapakinabangan ng bansa ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) ay dapat na tuluyan itong i -ban sa Pilipinas.
Ito ang sinabi ni House Minority leader Bienvenido Abante dahil mismong Philippine Amusement and Gaming Corporations o PAGCOR na rin umano ang umamin na may 600 illegal workers ang POGO at 61 registered dito habang 10 lang ang nasisingil nila ng buwis, subalit utang pa ito.
Bagama’t may sarili umanong mandato ang PAGCOR ay wala naman silang police power kaya ipapasa din nila sa kapulisan ang paghuli sa mga POGO na posibleng malagyan din ang mga otoridad sa dami ng pera nila at hindi rin umano maiiwasan na mabahiran ng korapsyon ang POGO dahil din sa maluwag na sistema ng bansa pagdating sa regulasyon ng mga ito.
Naniniwala naman si Probinsyano Ako Rep. Bonito Singson na posibleng hindi naipapatupad ng tama o talagang may korapsyon kaya hindi nakikinabang ang bansa sa pamamagitan ng paniningil ng buwis sa POGO.
Hiniling ni Abante na i-review ang charter ng PAGCOR matapos na aminin nito na lisensya lamang ang kanilang ibinibigay sa mga POGO at hindi franchise.
- Latest