PECO patuloy ang laban sa bagitong power utilities
MANILA, Philippines — Patuloy na nakikipaglaban ang Panay Electric Company (PECO) dahil sa nakasalalay ang kahihinatnan ng 160 power cooperatives sa bansa kapag nakuha umano ng bagitong kumpanya na More Power ang prangkisa.
Sinabi ni PECO president Marcelo Cacho na nagaganap sa kasalukuyan ang sagupaan ng 96-year-old franchise holder PECO at ang bagitong MORE Power, at hindi lang nakasalalay dito ang kapakanan ng mga taga-Iloilo at maaapektuhan ang lahat ng power utility sa buong bansa kung mabibigyan ng prangkisa ang More Power.
Nagbabantang samsamin ng kompanyang More ang buong negosyo ng PECO matapos bigyan ito ng Kongreso ng prangkisa, pero dumulog sa hukuman ang PECO para mapawalang-bisa ang naturang prangkisa.
Sa kautusang ipinataw nitong Hulyo 2019 ng Mandaluyong RTC Branch 209, ibinasura ang tangka ng MORE Power na kamkamin ang buong negosyo at mga ari-arian ng PECO sa pamamagitan ng R.A. 11212, at isinaad na ang ilang probisyon nito ay tahasang “walang bisa at labag sa Saligang Batas sa pagtampalasan sa karapatan ng PECO sa marapat na proseso at patas na proteksiyon ng batas.”
Sinulat ni RTC Presiding Judge Moqiue A. Quisumbing-Ignacio ang kautusan na nagbasura sa pagtatangka ng kompanyang More na kamkamin ang mga ari-arian ng PECO batay sa mga probisyon ng pangkisa na ibinatay sa “eminent domain.”
- Latest