70 cellular phones ng mga Chinese tinangay ng sekyu
MANILA, Philippines — Nagmistulang bantay-salakay ang isang sekyu ng kumpanya ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) matapos nitong tangayin ang 70 cellular phones ng mga empleyadong Chinese sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Tinutugis na ng pulisya ang security guard na si Joefrey Vergara, 32, binata at security guard ng PITX Tower 1, Barangay Tambo matapos ireklamo ni Peng Chen, 31, Chinese national, general manager ng PITX Tower 1.
Sa ulat, alas-2:30 kahapon ng madaling araw nang iulat ni Peng ang insidente ng pagnanakaw sa kanilang tanggapan sa Parañaque City Police na unang nadiskubre dakong alas-10:00 ng umaga noong Lunes.
Nabatid na isinusuko ng mga empleyado ng POGO ang kanilang mga cellular phones bago pumasok sa trabaho at inilalagak ang mga ito sa Unit 588.
Nang matapos ang duty ay dito nila nalaman na nawawala na ang kanilang mga telepono at nang panoorin ang kuha ng CCTVsa ikalimang palapag ay nakita ang security guard na si Vergara na siyang labas-pasok sa loob ng Unit 588. Kinasuhan ng qualified theft ang suspek.
- Latest