2 pulis-Pasay tiklo sa pangongotong sa mga terminal
MANILA, Philippines — Dalawang pulis-Pasay ang inaresto ng pinagsanib na mga elemento ng PNP-Integrity Monitoring Enforcement Group (PNP-IMEG) at PNP-Intelligence Group (PNP-IG) matapos na ireklamo ng pangingikil sa isinagawang entrapment operation sa transport terminal sa EDSA, Malibay, Pasay City, kamakalawa ng hapon.
Ang mga nasakoteng suspek ay kinilalang sina P/Corporal Reynald Pallangeo Macwes; at P/Corporal Jimuel Ilagan Bernal; pawang nakatalaga sa Police Community Precint (PCP) 7 ng Pasay City Police.
Sa ulat, dakong alas-2:00 ng hapon ay nagsagawa ang mga otoridad ng entrapment operation laban sa dalawang pulis na inaresto habang tumatanggap ng P100.00 na kinokolekta ng mga ito bilang protection money sa bawat mga bumibiyaheng Public Utility Vehicles (PUVs) at vans kada araw sa lahat ng mga terminal sa Edsa, Malibay, Pasay City.
Ayon sa bagong talagang si PNP-IMEG Director Police Colonel Ronald Oliver Lee, isinagawa ang entrapment operation matapos makatanggap ng intelligence report hinggil sa talamak na pangongotong ng nasabing mga pulis na lulan pa ng patrol car sa nasabing terminal.
Nabatid na noong Setyembre 28 ng taong ito ay ipinatawag ng Police Community Precinct (PCP)-7 Commander na si P/Captain Mark Oyad, ang isa sa mga biktima na nagreklamo na itataas na P500 hanggang P1,000, ang arawang koleksyon sa bawat biyahe ng mga bus at van bukod pa ang pangongolekta ng dalawang nasakoteng pulis ng tig-P 100 sa mga driver ng van at PUBs kada araw na ngayon ay humihimas ng rehal na bakal.
Samantala, ipinasibak na rin sa puwesto ng bagong talagang NCRPO Director P/Brig. General Debold Sinas ang hepe ng PCP-7 Commander Capt.Oyad na dinisarmahan at inilagay sa “floating status”.
- Latest