4 Poacher timbog sa P30-M taklobo
MANILA, Philippines — Apat na poachers ang inaresto ng mga otoridad at nakumpiska sa kanila ang nasa P30-M halaga ng fossilized giant clams o mga taklobo sa isinagawang operasyon sa Cordova, Cebu kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina George Oldama at Bebing Oldama; Roweno “Wenski” Tajanlangit at isa pa.
Ayon kay Major Aristedes Galang Jr., Spokesman ng Philippine Air Force (PAF), dakong alas-4:00 ng hapon nang magsagawa ang magkakasunod na operasyon ang Field Station Central personnel, 301st Special Mission Group ng PAF, bilang lead unit, National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resource (BFAR) sa Brgy. Day-as at Brgy. Catarman, Cordova, Cebu.
Nakumpiska mula sa mga suspect ang nasa 90 mga higanteng taklobo, 59 piraso na medium-sized, anim na sako ng maliliit na taklobo.
Nasa 2,000 kilo naman ng mga clams na tig P15,000.00 ang kilo ang narekober sa mga suspect.
Ang mga suspek ay inaresto sa bisa ng search warrant sa kasong paglabag sa Section 102 ng Republic Act 10654 o ang inamyendahang Philippine Fisheries Code of 1998.
- Latest