LRT-1 at LRT-2 nagka-aberya
MANILA, Philippines — Magkasunod na nagkaaberya ang Light Rail Transit Line 1 at Line 2 (LRT-1 at LRT-2) kahapon ng umaga sanhi upang maglimita ng biyahe ang LRT-1 at magsuspinde naman ng biyahe ang LRT-2.
Dakong alas-7:09 ng umaga nang magpatupad ng limitadong biyahe ang LRT-1 mulang Monumento hanggang Baclaran stations at pabalik, dahil sa nararanasan mechanical problem sa Roosevelt Station.
Pansamantala namang nagsuspinde ng kanilang operasyon ang LRT-2 dahil sa apoy na namataan sa carriageway nito sa area ng Quezon City.
Ayon sa LRTA, dakong alas-11:24 ng umaga nang pansamantala nilang suspindihin ang kanilang biyahe nang may makitang apoy sa carriageway nito sa pagitan ng Anonas at Katipunan Station.
Sinasabing nagmula ang sunog sa pag-trip off ng Rectifier Substation (RSS) 5 sa Katipunan Station.
Kaagad namang humingi ng paumanhin ang LRT-2 at inaksiyunan ang problema at inapula ang apoy ngunit iniimbestigahan pa umano nila ang pinagmulan nito.
Hindi pa rin nababalik sa normal ang biyahe ng naturang dalawang rail lines habang isinusulat ang balitang ito.
- Latest